Pages

Tuesday, August 2, 2016

Pagpag

Naglalakbay akong bitbit
Ang madaming ligaw na kaluluwa
Sa aking katawan.

Bawat biyahe’y pagtatangkang
Ihatid ang bawat isa
Sa kani-kanilang nais kahantungan.

May isang nagpahatid sa tabing-dagat—
Nangakong doon siya mananahimik
Kapag napulot na ang bawat bubog
Ng mga nabitiwang pangarap.
Tatlong araw naming binaybay
Ang mahabang dalampasigan.
Ngunit paano bang maiipon
Ang bawat butil ng buhangin?
Sa ikatlong dapithapon,
Iniwan ko siyang namumulot pa rin.
Sa may batuhan, nakapatong
Ang pangakong pagbabalik,
Naghihintay ng hampas ng mga alon.

Hindi pa nakalalayo,
Naramdaman ko
Ang bigat ng mga bagong multo
Sa lalamunan.

May isang nagpahatid sa tuktok
Ng paboritong bundok. Doon dati hinahabol
Ang pahingang di mahuli sa lungsod.
Sa pag-akyat, bitbit pa rin
Ang ligalig at pagtataka:
Tahimik ang paligid liban
Sa mga kaluskos sa gubat--
Bakit maingay pa rin sa loob?
Sa tuktok, naghahabulan sa aming paanan
Ang mga ulap. Naupo ako sa damuhan.
Pinatahan ang nag-uunahang pitik sa puso.
Bumitaw siya't malugod
Na humalo sa hangin, at nilunok ko
Ang inggit. Tahimik ang mga damo,
Samantalang nagtatalo
Ang madaming multo
Sa aking katawan.

Pagkababa, naghihintay
Ang mga bagong sasanib;
Bahagyang sumikip ang dibdib
Sa kanilang pagpasok.

May isang nagpahatid sa pusod
Ng maingay na lungsod. Unang beses
Daw niyang makakita ng mga nakahilerang
Buwan. Hindi tuluyang dumidilim dito, ano?
Naisip ko ang maraming aninong
Nagkukubli sa mga sulok, nag-aabang
Ng masasagpang. Di ko na sinabi
Sa kanya't ayokong patayin
Ang pagkamangha sa kanyang mga mata.
Iniwan ko siyang abalang binibilang
Ang mga mata sa mga gusali.
Marami pang ihahatid—

Padagdag nang padagdag
Ang mga multo,
Pabigat nang pabigat
Ang katawang hinihila
Ng iba’t-ibang rahuyo.

Sa layo ng narating
Wala pa din,
Kahit isa
Ang nakakauwi,

Kahit ako
Na may bahay
Na binabalikan.

No comments:

Post a Comment