Pages

Tuesday, May 31, 2016

Anagolay

Matagal nang di nakikinig sa mga panalangin si Anagolay.

Matagal na panahon na nang siya'y maligaw. Hinila ng rahuyo ng grabedad pang sundan ang mga tipak na bato na nag-uunahan sa isang karerang walang simula o katapusan.

Matagal na niyang nabitiwan ang pangalan at ang kahapon. Sa walang hanggang pag-ikot, nalimot ang takda bilang panginoon, at kasabay ng pagkalimot ay ang tuluyang pagkawala ng mga ipinanalanging mahanap. At isa-isa, nagsipagmatay ang mga nananampalataya, dala sa kani-kanilang mga hantungan ang alaala, pangalan, at kuwento niya.

Matagal nang walang nananalangin kay Anagolay; matagal nang walang sumasambit sa kanyang pangalan. Matagal nang walang nagtatangkang muling mahanap ang pag-asa, hanggang isang araw may isang lalaking tumingala't sa kanyang isip ay kumislap ang isang pangalan.

"Anagolay," wika niya sa isang paligsahan ng pagpili ng ipapangalan sa isang tipak ng bato, "Anagolay ang ipangalan n'yo."

Nanalo siya, ngunit walang nagbunyi sa bayang di nakakaalala.

No comments:

Post a Comment