Pages

Sunday, March 13, 2016

Pagkatapos



May multo ka nang bitbit sa bawat paglalakbay.

Ang tinatakasa’y kasamang na-eempake,
Nakasalansang maigi sa pagitan ng mga damit.

Sa uupahang kuwarto, aangkinin niya ang kalahati
Ng makitid na higaan at saka hihigang paharap sa iyo—
Palaging nasa harap, kahit talikuran mo.

Paglabas, dala-dala sa bawat hakbang
Ang mabigat niyang pangalan. Itapon man
Sa malayo’y ibinabalik lang ng kawalan;
Isang tipak na batong ipinupukol sa iyo.

Sa mga lugar na wala pa namang alaala
Ngunit may bahid na niya,
Kung saan ang bawat kasalubong ay suot ang kanyang mukha,
Itatanong sa sarili ang matagal nang nasagot:
Bakit ba ipinapasyal pa ang dapat ay nililimot?

No comments:

Post a Comment