Pages

Wednesday, February 17, 2016

Ang Dibuho

Ang mga maliliit kong mata'y
iginuhit nang pabilog, masaya.
Nang aking itinuro ang lungkot na nakikita,
Umiling siya, at tumawa,

               "Kilala kita."


Sa aking pisngi
ay gumuhit siya ng mga bituin,
tinakpan ang mga naiwang bakas ng taghiyawat.
Makinis na sa kambas ang balat
na araw-araw ay kinukutya ng salamin.

Mapula ang labing maputla,
At sa lahat ng pagtataka,
ito lang ang sagot niya,

             "Ganito ang kulay sa aking alaala."

Ang bawat protesta't pagtatama
ay sinasagot niya ng pagtawa.
Itinataboy sa balintataw
ang sariling nais kong ipakilala.

            "Kilala kita," giit niya

nang hindi ako tinitingnan.

Maganda ang babae sa dibuhong nabuo,
ngunit kahit siya ay ako,

            Hindi ko siya kilala.

No comments:

Post a Comment