Pages

Monday, June 13, 2011

Mt. Pulag: Dramatic Version

Alam mo kung anong ginawa ko nung weekend?

Umakyat lang naman ng Mt. Pulag.




Yabang. Haha. Kahit mga ilang beses din akong nahilo, at isang beses muntik himatayin, at madaming beses gustong tumigil at magpaiwan sa gitna ng kawalan.

Pero nung naabot namin yung summit, nakalimutan ko lahat ng yun-- lahat ng pagod, paghihirap, malamig na pawis, sakit sa puso at sa baga-- lahat naglaho sa harap ng napakagandang tanawin. Personal kong nakita ang dahilan kung bakit tinawag ang bundok na iyon na palaruan ng mga diyos.

Hanggang ngayon nakatatak parin sa isip ko yung korona ni haring araw na sumilip mula sa pinaghimbingan niya magdamag. Sinubukan kong kunan ng litrato ang tagpong iyon, ngunit nabigo akong makuha ng buong-buo. Sinusubukan ko ngayong ilarawan, pero muli, bigo akong mailarawan ng buong-buo. Wala akong ibang masabi upang maipahayag kung gaanong naantig ang buo kong pagkatao nang makita ang pagsabog ng gintong liwanag mula kay haring araw-- wala, maliban sa sana andun ka, at sana nakita mo iyon. Sana makita mo iyon.

Wala pa kami sa summit nun ah. Ang bagal ko kasi, kaya kasalanan ko kung may na-miss man kami. Pero di bale, mga sampung libong taon pa siguro, sampung libong pagkakataon o higit pa upang umulit, bago magbago ang mukha ng mundo at maging patag si Mt. Pulag. Naks. Haha. Kaya lang hindi pala aabot ng sampung libong taon ang buhay ng tao.

May nagtanong sa kin, uulit pa ba ako? Nung mga panahong yun kasalukuyan kong hinahabol ang hininga ko, pinipilit ihakbang ang mga paang nagpoprotesta na, at nilalabanan ang pagkahilong padalas ng padalas ang pag-atake. Ang pisikal kong katawan ay walang pag-aatubiling nagpahayag ng paghinde, pero ang kaluluwa kong petiks lang namang nakikiride eh iba ang ibinubulong: 'Hahayaan mo lang bang malipasan ng pagkakataong hindi nakikita ang pagsabog ng liwanag ng umaga sa tuktok ng Mt. Pulag?'
Bahala na. Siguro. Baka sa Mt. Apo naman. Hahahaha. Munting biro malay mo eh magkatotoo balang araw. Kung kilala ko nga ang sarili ko, isang araw pikit mata akong mag-sasign-up sa isang climb for beginners sa Mt. Apo (may ganun kaya? XD), tas sa bandang gitna mag-aattempt magback-out. Hahahaha. Pero nasisiguro ko, kahit iba na sinasabi ng bibig ko, makakarating pa rin ako ng tuktok ng kahit anong bundok na akyatin ko. In 48 years nga lang. XD





Hay. Naaalala ko ang mga pabirong ,'Why on earth am I doing this?' Pagbaba na lang sa bundok, pagkatapos ng isang mahabang ligo, pagkatapos magedit ng pictures at sariwain ang mga tanawing pasumandaling nagnakaw ng hininga ko-- dun ko lang nasiguro ang sagot sa tanong na yun. Umakyat ako ng Mt. Pulag para may mablog.

Pero bukod dun, sumama ako sa Mt. Pulag para magkaroon ng karapatang isuot ang tshirt na may imprentang 'I Survived Mt. Pulag'. Pero higit sa aking sarili, iniaalay ko ang tshirt na yun sa running shoes na nabili ko sa Toby's. Akalain mong makabalik siya sa bahay ng buo -- bagamat putikan. At akalain kong waterproof pala yun. Pati yung jogging pants na sa Baclaran ko nabili. Hahahaha.

Sa totoo lang, di ko matukoy ang pinakadahilan kung bakit 'pinahirapan' ko ang sarili ko sa pag-akyat sa Mt. Pulag, samantalang di ko nga kayang tumakbo ng 400 meters ng hindi humihinto at hinihingal ng bonggang-bongga. Bakit nga ba? HIndi ko alam. Ang alam ko lang, pagtapos ng lahat at payapa na ng kaunti ang mga kalamnan at buto-buto ko, at medyo limot na ang nakakapasong lamig sa bundok, nasabi ko sa sarili ko na kahit ano kaya ko na. Almost 3000 meters above sea level nga naakyat ng reklamador kong pagkatao, 7000 pa kaya? Char.

2 comments:

  1. Ang tawag dyan "Glimpse of eternity". Sabi ko nga e, kung ganyan ang makikita sa langit magpapakabait talaga ako ng bongga. Haha. Aaaaaaaa, salamat kay Jesus!

    ReplyDelete
  2. Salamat sa kwento. I'm sure babalik ka uli ng Mt. Pulag. Tignan mo ako, I wouldn't have thought makaka-walong akyat ako. :)

    ReplyDelete