Pages

Tuesday, November 3, 2009

Lipas na

kagabi... sa karnabal.
maliwanag ang buong lugar...
mga taong nakapalibot
sa mga libangang
di umusad kasama ng panahon.
mga libangang kapalit ng barya
ay nagbibigay ng ilusyon ng saya.
di na pala
nakakatakot ang horror train.
kelan ba lumipas
at kumupas ang mga aswang?
kelan nawalan ng kapangyarihan
ang maiingay na alulong ng aso
upang takutin ang mga tao?
kagabi sa horror train
natawa lang ako.
pero...
asan ang saya?

kagabi sa cable car
nakaupong iniisip
kung kelan bibigay
ang lubid.
nasan na ang tuwang hatid?
wala na ang mahika,
nasan na ang saya
sa umiikot na tsubibo?
bakit naging plastic na lang
ang umiikot na elepante...
saan nagpunta ang hiwaga?

bakit hindi sumama
sa paglakad ng panahon
si wet joker?
masaya ba siyang
binabato ng supot ng tubig
bakit hungkag ang mga mata
sa likod ng ngiti
na palagay ko (at palagay ko lang naman)
ay peke?
at bakit ipinagpalit sa bente pesos
ang karapatang maging bata
o laro lang ba ang lahat
sa kanya?

kagabi... sa karnabal
hindi na nagawa
pang magbago...
ano ang kumulong
sa libangang naiwan
ng panahon?

o ako lang ba ang nang-iwan?

No comments:

Post a Comment